Umabot na sa 1,042 na paaralan sa Western Visayas ang nagsuspinde ng face-to-face classes ngayong Abril 2 dahil sa mainit na panahon.
Sa tala ng Department of Education (DepEd)-6, ang mahigit 1 libong paaralan ay mula sa Schools Division Offices ng Iloilo City, Bacolod City, Roxas City, Kabankalan City, Silay City, Guimaras, Himamaylan City, Iloilo, Bago City , Negros Occidental, Sipalay City, Passi City at San Carlos City.
Nagsimula ang SDO Sipalay City, Passi City at San Carlos sa pagsuspinde ng mga in-person classes ngayong Abril 2 habang ang iba ay nagsimulang magsuspinde kahapon Abril 1.
Ang SDO Passi City ay magpapatupad ng kalahating araw na face-to-face classes sa umaga at modular na klase sa hapon.
Samantala, ang Grade 3 at Grade 6 sa SDO San Carlos City naman ay magpapatuloy sa face-to-face classes ngunit sa maikling panahon dahil sa gagawing pagsusulit.
Tiniyak ng DepEd-6 na hindi maaantala ang pag-aaral ng mga mag-aaral dahil ipapatupad ang Modular Distance Learning Modality. | via Merianne Grace Ereñeta, RP1 Iloilo