Ipinatutupad na ang 30-minute shifting break para sa mga traffic enforcer sa Lungsod ng Malabon ngayong tumitindi ang init ng panahon.
Ayon kay Malabon City Public Safety and Traffic Management Office Chief Police Col Reynald Medina kailangang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga enforcers na maghapong nakabilad sa araw dahil sa pagmamando ng trapiko.
Binigyan sila ng 30 minuto para makapagpahinga, makainom ng tubig at para maibsan ang sobrang init.
Araw-araw nasa mahigit 40 na traffic enforcers kada shift ang naka-deploy sa iba’t ibang lugar sa Malabon.
Kabilang na rito ang nakatalaga sa mga fixed post at mga traffic motorcycle patrollers na nag-iikot sa mga kalsada.
Sa kabila ng matinding init ng sikat ng araw, sinisiguro ng traffic enforcers ang maayos na daloy na trapiko sa lungsod.| ulat ni Rey Ferrer