Nagpapatupad na rin ng pinaigting na city-wide routine at catch-up vaccinations ang Malabon local government upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na Pertussis sa lungsod.
Ayon kay Malabon City Health Department (CHD) Officer-in-Charge (OIC) Dr. Bernadette Bordador, naatasan na ang mga Barangay Health Center personnel na tiyaking matuturukan ng full dose ng bakuna ang lahat ng mga eligible na sanggol at kabataan lalo’t sila ang pinaka-vulnerable sa sakit.
Bukod sa routine vaccination, tuloy-tuloy rin ang catch-up vaccination ng CHD sa mga sanggol at bata sa lungsod at pati na ang pag-iikot sa mga komunidad para mapalaganap ang mga kaalaman hinggil sa sakit.
Kasunod nito, patuloy na pinaalalahanan ng Malabon government ang mga residente na pairalin ang health at safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng whooping cough.
“Since Pertussis is spread via respiratory droplets, we highly encourage residents to use face masks, particularly in crowded places; and to observe minimum public health standards. Following these steps will minimize the possibility of the infection and will keep us Malabueños safe and healthy,” paalala ni City Administrator Dr. Alexander Rosete.
Hinikayat din ang mga magulang na dalhin ang mga anak sa health centers para mapabakunahan.
Ang mga residente namang may sintomas ay pinapayuhang mag-self-isolate at makipag-ugnayan sa Barangay Health Centers.
Sa tala ng LGU, mayroong dalawang kaso ng Pertussis ang nai-report sa lungsod noong Enero na ngayon ay naka-recover na. | ulat ni Merry Ann Bastasa