Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na layong i-regulate ang pag-iisyu ng mga protocol license plates sa mga opisyal ng pamahalaan sa gitna ng kaliwa’t kanang reklamo kaugnay sa pagdami at hindi awtorisadong paggamit nito.
Nakasaad sa Executive Order (EO) No. 56, mula sa dating No.16 na plaka, ibababa na lamang hanggang sa No.14 ang mga protocol license plate na ibibigay sa mga opisyal ng gobyerno.
Kabilang dito ang Pangulo na No.1 ang plaka;
No. 2 para Bise Presidente,
No. 3 para sa Senate President,
No. 4 para sa House Speaker,
No. 5 Supreme Court Chief Justice,
No. 6 Cabinet Secretaries;
No. 7 mga Senador;
No. 8 mga miyembro ng Kamara;
No. 9 para sa mga mahistrado ng Korte Suprema.
Pinapayagan ding magkaroon ng special plates ang Presiding Justice ng Court of Appeals (CA), Court of Tax Appeals (CTA), Sandiganbayan, at Solicitors General na mayroong plakang no.10.
Plate no. 11 para sa chairperson ng Constitutional Commission at Ombudsman.
Plate no. 14 para sa chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at hepe ng Philippine National Police (PNP).
Nakasaad sa EO na maaaring payagan ang mga mahistrado ng Court of Appeals, Court of Tax Appeals, at Sandiganbayan na gumamit ng mga protocol license plates sa pamamagitan ng rekomendasyon ng LTO at pagsang-ayon ng kalihim ng transportasyon.
Binigyang diin sa kautusan na ang mga plaka ay dapat na isuko sa LTO pagkatapos ng kanilang pagreretiro, pagbibitiw sa puwesto, pag-alis sa opisina, o pagtatapos ng kanilang termino.
Pirmado ni Pangulong Marcos ang kautusan, ika-25 ng Marso, 2024. | ulat ni Racquel Bayan