Nais nang paimbestigahan ni Manila Rep. Joel Chua ang nangyayaring isyu sa pagitan ng mga transport group at ng technical working group ng MC taxi.
Ayon kay Chua, gusto niya malaman kung paano nangyayari na naiiba ang mga napag-uusapan sa hearing tungkol sa MC taxi subalit iba ang napapatupad sa kalsada.
Ilan sa inaaray ng iba’t ibang transport sector ang pagdami ng mga MC taxi na nagiging dahilan umano ng mas maliit nilang kita at mas mabigat na trapiko.
Dagdag pa ng mambabatas na nais niyang malaman direkta kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz III kung bakit napayagan ang pagpasok ng Grab sa pamamagitan ng Move It, ano ang dahilan ng matagal na pag-aaral sa MC taxi pilot study at kung bakit sa Metro Manila nakatutok ang mga MC taxi gayong maaari naman itong ilagay sa ibang lugar na nangangailangan ng naturang klase ng transportasyon.
Matatandaan na ilang beses nang umaaray ang iba’t ibang grupo mula sa transport sector hinggil sa sinasabing problemang dulot ng MC taxi. | ulat ni Lorenz Tanjoco