Bunsod ng mas pinaigting na border security ng Bureau of Customs sa NAIA ay nasakote nito ang tangkang pagpasok sa bansa ng 2,536 grams ng marijuana o kush at 70 piraso ng vape pens na naglalaman ng cannabis oil.
Ayon sa Customs, ang pinagsama-samang halaga ng mga nasabing iligal na kontrabando ay umaabot sa mahigit P3.5 milyon
Nakatago ang mga nasabing kontrabando sa limang parcel na idineklara bilang car seat cover, coffee mugs, at libro mula USA at Canada.
Paliwanag ng Customs, matapos ang X-ray at K9 inspection, namataan na ang nasabing mga kontrabando dahilan kaya sinundan ito ng physical examination kung saan dito na tumambad ang dried leaves ng pinaghihinalaang marijuana o kush, kasama ang vape pens na may cannabis oil.
Ipinadala ang sample sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency para sa kumpirmasyon kung saan positibo ang nasabing mga laman nito bilang ‘dangerous drugs’ sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Dahil dito ay mahaharap ang mga consignee ng nasabing parcel sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at sa Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, dahil sa pagkakasabat ng nasabing mga ilIgal na droga ay natulungan ng BuCor ang national government sa pagprotekta sa komunidad laban sa posibleng banta ng pagkalat ng iligal na droga . | ulat ni Lorenz Tanjoco
📷: BOC