Isinasapinal na ng Department of Agriculture (DA) ang budget proposal nito para sa taong 2025 na nakatutok sa modernisasyon ng farm at fisheries sector sa bansa.
Ayon sa DA, sa isang consultative meeting kasama ang ilang agricultural groups, iprinisenta na nito ang inisyal na P513-B budget proposal ng kagawaran para sa taong 2025, na mas mataas sa kasalukuyang P208.58-B pondo ng ahensya.
Ito ay upang masigurong makakamit ang food security sa bansa at mapataas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr., kasama sa plano sa susunod na taon ang pagtatayo ng mas maraming farm infrastructures, kabilang ang irrigation at postharvest facilities.
Tututukan din ang mga hakbang sa food safety at anti-smuggling.
Ayon pa sa DA, maglalaan ito ng mas mataas na pondo sa susunod na taon sa National Irrigation Administration, National Food Authority, Philippine Coconut Authority, Philippine Fisheries Development Authority at National Dairy Authority.
Nasa tinatayang P287-B din ang proposed combined budget para sa walong DA attached corporations na halos triple ng kasalukuyang budget para dito sa P94.30B. | ulat ni Merry Ann Bastasa