Pinangunahan ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairperson Silvestre Bello III ang pamamahagi ng cash assistance sa overseas Filipino workers (OFWs) na naospital matapos ang pagtama ng malakas na lindol sa Taiwan noong Miyerkules ng umaga.
Tinanggap ng bawat OFW ang halagang aabot sa NTD10,000 na kinabibilangan ng OFW na si Christine Gumahin na nawalan ng malay matapos ang lindol. Habang may tatlo pang na-injure na mga Pinoy ang nakatanggap din ng kaparehong halaga.
Maaalalang niyanig ng lindol na may lakas na aabot sa magnitude 7.5 ang Taiwan noong Miyerkules na nagresulta sa pagkasawi ng hindi bababa sa 10 katao.
Ayon sa mga ulat, ito na ang pinakamalakas na lindol na tumama sa Taiwan sa loob ng 25 taon na nagresulta sa paglalabas ng tsunami warning ng PHIVOLCS sa apat na probinsya sa Luzon na binawi rin nito kalaunan. | ulat ni EJ Lazaro