Nanawagan si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Bureau of Immigration, Department of Foreign Affairs, at intelligence community ng militar at kapulisan na imbestigahan ang kaduda-dudang pagdami ng Chinese nationals malapit sa EDCA sites at pangunahing pantalan at paliparan sa bansa.
Aniya, dapat lang na alamin at imbestigahan ng BI kung ilang Chinese nationals na ba talaga ang nasa loob ng ating bansa, ano ang nature ng hawak nilang mga travel documents, at kung saan-saang parte ng ating bansa sila naka-deploy.
Ang DFA naman aniya dapat alamin kung ano na ang status ng Chinese nationals na binigyan nila ng visa, bilang ng mga pumunta dito at bumalik sa China, at ilan pa ang numero ng mga naiwan pa dito.
Para kay Barbers mahalaga na umaksyon agad ang mga ahensya ng pamahalaan lalo at batid naman nila ang ulat na nakakakuha ng mga pekeng dokumento gaya ng Philippine birth certificate, mga lisensya at maging pasaporte ang Chinese nationals na ito.
“The question is: What have these government agencies done to counter in the tampering of their respective offices’ documents? They are all eerily quiet on this issue. Are some of the officials of said agencies in cahoots or enablers of the Chinese mafia?” tanong ni Barbers.
Isa pa sa ikinababahala ng kongresista ay nakakabili aniya ang mga ito ng lupa at nagpapatayo ng mga warehouse at negosyo, partikular sa Pampanga, Bulacan, Bataan, Zambales, Nueva Ecija at maging sa Cagayan kung saan may dalawang EDCA sites.
“Ang deployment at pagbibili ng lupa, pagtatayo ng negosyo ng mga Chinese nationals na malapit sa EDCA sites ay dapat bigyan tuon ng mga concerned agencies sa ating bansa. Hindi ba tayo dapat mag-usisa at alamin bakit sila nandyan at kung ano talaga ang ginagawa nila dyan,” sabiu ni Barbers.
Suportado rin ng Mindanao solon ang hakbang ng kapwa kongresista na sina Isabela Rep. Inno Dy at Cagayan Rep. Jojo Lara na magsagawa ng pagsisiyasat sa pagdami ng Chinese students sa mga kolehiyo sa Tuguegarao. | ulat ni Kathleen Jean Forbes