Iginiit ni Senadora Risa Hontiveros na maaari nang kumpiskahin ng Pambansang Pulisya ang mga armas ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy base sa mga kasong isinampa laban dito.
Una nang naglabas ng Arrest Orders ang Davao at Pasig City courts ng Warrant of Arrest laban kay Quiboloy para sa mga kasong sexual abuse at human trafficking.
Isang hiwalay ring Arrest Order ang inilabas ng pinamumunuan ni Hontiveros na Senate Committee on Women para obligahin itong dumalo sa pagdinig tungkol sa mga alegasyon ng pang-aabuso nito sa mga KOJC member.
Ayon kay Hontiveros, dapat tigilan na ng PNP ang pagbibigay ng mga dahilan at gawin ang lahat para mahuli ito kung totoong kasangga sila ng taumbayan sa pagpapanagot sa religious leader.
Isa aniyang paraan para magawa ito ay ang pagbawi ng mga armas ni Quiboloy.
Binigyang-diin ng senador na base sa implementing rules and regulations (IRR) ng PNP na isa sa mga basehan ng pagkakatanggal ng legal na kwalipikasyon o kapasidad ng isang licensee na magmay-ari at humawak ng baril ay ang pagkakaroon ng criminal case na may parusang higit dalawang taong pagkakakulong.
At sa grabe aniya ng mga kaso ni Quiboloy ay pwedeng-pwede nang kumpiskahin ang mga armas nito.
Samantala, hindi rin makapaniwala si Hontiveros na hindi alam ng PNP ang pagkakaroon diumano ng private army ni Quiboloy gayong alam na ito maging ng mga netizens. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion