Binigyang diin ni dating Health Secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin ang kahalagahan na mabakunahan ang mga bata kontra Hepatitis B.
Ito ay upang maiwasang magkaroon ng liver cancer outbreak sa 2042.
Aniya 30 porsyento ng mga nahahawa ng Hepatitis B ay hindi bakunado at nauuwi sa Hepatocellular Carcinoma na isang nakamamatay na uri ng Liver Cancer.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang World Health Organization (WHO) sa bilang ng mga namamatay na may kaugnayan sa hepatitis, na may average na 3,500 kada araw noong 2022.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang kumakatawan sa two-thirds ng global disease burden ng Hepatitis B at C, ayon sa 2024 Global Hepatitis Report ng WHO.
Inirerekomenda ang bakuna lalo na sa mga sanggol, bata, o kabataan na wala pang 19 taong gulang na hindi pa nabakunahan.
“We have to act now. Huwag na nating hayaang magkaroon pa ulit tayo ng outbreak lalung-lalo na sa mga vaccine preventable disease,” giit ni Garin. | ulat ni Kathleen Jean Forbes