Nagtutulong-tulong ngayon ang nasa 166 residente ng Patnanungan sa Quezon sa pagtatayo ng water harvesting systems at gardening projects.
Ito ay sa ilalim ng Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished) ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Irene Dumlao, sa tulong ng mga proyektong ito ay pinatatatag ang kapasidad ng mga mahihirap na pamilya na makatugon sa epekto ng tagtuyot.
“With Project LAWA at BINHI, we want to strengthen the adaptive capabilities of poor and vulnerable families to mitigate the impact of food insecurity and water scarcity brought about by the drought especially this time that we are experiencing scorching heat throughout the country,” DSWD Asst. Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Irene Dumlao.
Ang mga naturang benepisyaryo ay sumailalim sa 3-day na training tungkol sa disaster risk reduction, climate change adaptation, at practical skills para sa water harvesting, gardening, vermicomposting, at hydroponics.
Matapos ang kanilang training ay saka nila sinimulan ang konstruksyon ng water harvesting systems, community at school-based gardening projects, na inaasahang matatapos ng May 15.
Sa ilalim ng Project LAWA at BINHI, ang DSWD ay magbibigay ng daily minimum regional wage rate na P470 sa bawat partner beneficiary kapalit ng kanilang partisipasyon at pagdalo sa training at maging sa implementasyon ng nasabing proyekto sa kani-kanilang komunidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: DSWD