Giniit ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na maaaring makasuhan ang mga doktor na mapapatunayang sangkot sa sinasabing multi level marketing scheme ng pharmaceutical companies.
Matatandaang base sa mga impormasyon, isang pharmaceutical company ang inaakusahang nagsasagawa ng MLM kung saan nagrerkrut sila ng mga doktor para ireseta ang kanilang mga gamot, kapalit ang mga insnetibo.
Sa pagdinig, sinabi ni Herbosa na pwedeng iakyat sa Board of Medicine ang kaso ng mga masasangkot na doktor para sa revocation o suspension ng kanilang lisensya.
Kung sa isang DOH hospital naman aniya nakatalaga ang doktor o isa itong public doctor ay pwede ng iakyat ang kaso sa Office of the Ombudsman.
Sa ilalim ng 2019 Code of Ethics of the Medical Profession, itinatakda na ang mga doktor ay hindi dapat tumatanggap ng anumang pabor mula sa biopharmaceutical at medical device companies.
Sinabi rin ni Herbosa na iniimbestigahan na ng DOH ang mga report tungkol sa mga doktor na sangkot diumano sa mga MLM scheme.
Una nang binahagi ni Senador Raffy Tulfo na mayroon na siyang listahan ng mga physician na konektado sa Bell-Kenz Pharma Inc. o ang pharma company na inaakusahang gumagawa ng MLM scheme.| ulat ni Nimfa Asuncion