Inanunsyo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagsuspinde muna sa lahat ng aplikasyon para sa Environmental Compliance Certificate (ECC) sa mga protected areas sa bansa.
Ginawa ni Environment Secretary Maria Antonio Yulo Loyzaga ang pahayag matapos ang kaniyang pagbisita ngayong araw sa Mt. Apo Natural Park.
Alinsunod na rin ito sa istriktong pagmo-monitor sa mga kasalukuyang naitayong istraktura sa mga protected areas.
Sa ngayon, ipinari-repaso ni Loyzaga ang lahat ng naisyung ECC sa mga protected areas.
Lahat ng mga bagong aplikasyon sa ECCs ay dadaan na sa direktang pagsusuri ng Environment Management Bureau sa Central Office.
Sa mga susunod na araw ay maglalabas na rin ng pahayag ang Kalihim para sa susunod na pasiya sa mga istraktura na naitayo sa Mt. Apo Natural Park at iba pang Protected Area.| ulat ni Rey Ferrer