Kumpiskado ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga ini-smuggle sa bansa na mga buhay na gagamba.
Sa taya ng BOC, aabot sa 84 na buhay na spiderlings ang nakita sa pamamagitan ng physical examination ng customs officers matapos itong dumaan sa x-ray scanning.
Idineklara ang nasabing package bilang mga origami products at patungo sana sa Biñan, Laguna.
Ayon sa BOC, ang tangkang ito ng pag-smuggle ay labag sa Customs Modernization and Tariff Act at sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Binigyang-diin naman ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang pangako ng BOC sa pagpigil sa wildlife exploitation at pagbabantay sa biosecurity ng bansa. | ulat ni EJ Lazaro