Pinuna ni Deputy Majority Leader Janette Garin ang kakulangan sa mga ginamit na tanong sa Pulse Asia Survey kaugnay sa kung pabor ba ang publiko sa Charter Change.
Ayon kay Garin, nagbigay ng kalituhan sa mga respondent ang mga tanong dahil hindi naman ito nakatuon sa layunin ng kasalukuyang administrasyon na buksan ang ekonomiya sa mga dayuhang mamumuhunan para mabigyan ng mas magandang buhay ang mga Pilipino.
“Sa panahon ngayon, ang mga pinag-uusapan ng Cha-cha ay ‘yung mga pagbabago para sa kapakanan ng mga Pilipino at ng bawat pamilyang Pilipino. Ano ang pinag-uusapan dito? Mas magandang edukasyon, mas murang logistical cost para kapag mura ang pasok ng mga produkto sa Pilipinas, ibig sabihin ‘yung pamasahe ay mura magmumura rin ang presyo ng bilihin,” sabi ni Garin.
Ang isinama kasi aniya sa questionnaire ay paksa ng pagpapalawig ng termino, pagpapalit ng gobyerno mula sa presidential tungo sa parliamentary, paglilipat mula sa bicameral tungo sa unicameral body, at pagbabago mula sa unitary system tungo sa federal system.
“Kung ikaw ang respondent, magrereact ka. But the bigger problem is that hindi naman ito ang mga pinag-uusapan sa Cha-cha ngayong adminstrasyong ito. Itong mga tanong na ito ay kaakibat nung Cha-cha na pinag-uusapan during the previous administration,” iginiit ni Garin.
Sabi pa ni Garin na hindi tama ang resulta na 75% ng mga Pilipino ang ayaw sa economic cha-cha.
Aniya nasa apat na porsyento lang kasi sa naturang mga respondent ang may malalim na kaalaman kaugnay sa Saligang Batas, 48 percent naman sa mga ito ang may kaunting kaalaman, at 27 porsyento ang halos walang alam hinggil sa Konstitusyon.
“… iyong conclusion niya na marami o 75% sa mga Filipino ay ayaw sa Economic Cha Cha, mali siya dahil 75% nung mga tinanong mo ay walang alam sa konstitusyon. So, paano mo masasagot yung isang bagay na tinatanong ka, babaguhin ba natin ito? E hindi mo nga alam ano iyong laman nun e,” ani Garin.| ulat ni Kathleen Forbes