Muling tiniyak ng National Economic and Development Authority o NEDA ang pangako nito na patatagin ang presyo ng pagkain gayundin ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa kabila ng epekto ng El Niño.
Ito ang pagtitiyak ng NEDA kasabay ng ulat ng Philippine Statistics Authority o PSA na bumilis pa ang inflation rate nitong Marso sa 3.7 percent na pasok pa rin sa 2 hanggang 4 na porsyentong projection para sa taong ito.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, mahigpit nilang binabantayan ang suplay ng mga pangunahing produkto na apektado ng matinding init ng panahon upang protektahan ang mga Pilipino mula sa pagtaas ng presyo.
Kasunod nito, sinabi ni Balisacan na inatasan na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang Department of Environment and Natural Resources o DENR na bantayang maigi ang suplay ng tubig para masuportahan ang mga magsasaka sa kanilang pananim.
Patuloy din aniyang tinutulungan ng Department of Agriculture ang mga magsasakang apektado ng El Niño upang patuloy pa rin silang makatawid sa kabila ng nararanasang krisis.
Kasabay nito, sinabi ni Balisacan na naghahanda na rin sila sa pagdating ng La Niña para tiyaking may saat na suplay ng pagkain, enerhiya at malinis na tubig para sa kaligtasan ng publiko. | ulat ni Jaymark Dagala