Nagpahayag ng suporta ang Association of General and Flag Officers (AGFO) sa mabilis na aksyon ng Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang ahensya ng gobyebro, para imbestigahan si Davao Del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez.
Sa isang statement na pirmado ni AGFO President and Board Chairman Retired Vice Admiral Emilio Marayag Jr., tinukoy ng grupo ang panawagan ni Alvarez sa militar at pulis na bawiin ang suporta sa Pangulo na pagtatangkang subukan ang karakter ng mga pwersa ng gobyerno na may politikal na layunin.
Giit ng grupo, bilang isang Reserve Officer, dapat ay naging maingat si Alvarez sa pagbibitiw ng mga salita na hindi na akma sa isang “officer and a gentleman” at labag sa batas.
Dagdag ng AGFO, nauna na ring nanawagan si Alvarez para sa Mindanao Independence noong 2005, at pinakahuli noong 2023 sa gitna ng pagsisikap ng pamahalaan na protektahan ang pambamsang interes sa West Philippine Sea. | ulat ni Leo Sarne