Muling nagpaalala ngayon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa jeepney drivers at operators na humabol na bago ang nakatakdang deadline sa industry consolidation sa darating na April 30.
Matatandaang nagdesisyon noong Enero si Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na palawigin pa ng tatlong buwan ang jeepney consolidation.
Ayon naman kay Chairperson Teofilo Guadiz III, ang palugit na ibinigay ng Pangulo ay magiging huli na ring consolidation extension at hindi na mauusog pa.
Kaya naman, panawaagn nito sa jeepney operators, sumunod na sa unang proseso ng modernization program dahil ang mabibigong makapag-consolidate ay hindi na makakapasada pa pagdating ng mayo.
“So we are asking now the jeepney operators to now avail of the last extension because come April 30, we will no longer allow those who did not consolidate to ply the routes of Metro Manila,” ani Guadiz.
Paliwanag nito, otomatikong marerevoke ang prangkisa ng mga jeepney na hindi makakasama sa isang kooperatiba at tanging ang mga consolidated lamang ang papayagan sa mga ruta sa Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa