Nanawagan si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa Department of Agriculture (DA) na asistehan ang mga magsasaka at mangingisda na makapag rehistro sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang maka benepisyo sa fuel subsidy ng pamahalaan.
Bunsod na rin ito ng panibagong taas presyo sa produktong petrolyo.
Ayon kay Lee, matagal na niyang ipanapanawagan na ma-update at ma-modernize ang RSBSA registration dahil marami sa mga magsasaka at mangingisda ang hindi nakakatanggap ng ayuda dahil wala sila sa listahan o di kaya ay may mali sa detalye.
Hirit pa ng mambabatas na pabilisin at simplehan din ang mga requirements sa pagpaparehistro ng mga makinarya at bangka para maging kwalipikado sa fuel subsidy.
Kamakailan nang ianunsyo ng DA ang paglalaan ng P500 million na pondo para sa P3,000 fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda na mayroong nakarehistrong makinarya at bangka.
“Bigyan po sana ng DA ng pagkakataon na makapagrehistro ang ating mga magsasaka at mangingisda sa RSBSA habang wala pang pinal na alituntunin sa fuel subsidy. At kapag nagsimula na ang pamimigay ng subsidy, gamitin po sana ng DA ang latest na listahan ng rehistro para walang mapagkaitan at mapag-iwanan,” saad ni Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes