Sinasaluduhan rin ng mga senador ang makabagong bayani ng bansa ngayong gunugunita ang 82nd Araw ng Kagitingan.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Loren Legarda, kabilang na dito ang mga overseas Filipino workers (OFWs); ang mga sundalo at kapulisan; ang mga lingkod bayan; mga guro; mga kawaning pangkalusugan; mga magsasaka’t mangingisda; mga katutubo; at ang mga ordinaryong mamamayan na nagbibigay ng walang kapalit na tulong at pagmamahal sa kapwa.
Umaasa si Legarda na mananatiling buhay sa ating lahat ang diwa ng mensaheng dala ng araw ng Kagitingan at patuloy sana itong maging tanglaw sa pagharap sa mga hamon ng buhay.
Binibigyang parangal rin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang ating mga OFW, mga manggagawa at ordinaryong Pilipino na araw araw nakikipagsapalaran para makapaglingkod sa kapwa tao, pamilya, at buong bayan.
Ayon kay Villanueva, dapat panatilihing buhay sa ating mga puso at isip ang dinanas na hirap at sakripisyo ng mga pilipino sa kamay ng mga dayuhan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig alang-alang sa ating tinatamasang demokrasya.
Paalala rin aniya ang araw na ito sa kahalagahan ng pagkakaisa ng mga Pilipino para mapagtagumpayan ang mga hamong hinaharap ng bansa lalo na ang patuloy na agresyon ng Tsina at ang kanilang tahasang pagsupil sa karapatan ng ating bansa sa West Philippine Sea. | ulat ni Nimfa Asuncion