Asahan na ang kaliwa’t kanang mga pagkukumpuni sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang bahagi ng Metro Manila ngayong Abril.
Kabilang na rito ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang partial closure sa southbound lane ng Kamuning flyover dahil sa gagawing retrofitting na tatagal ng 11 buwan mula Abril 25.
Pero sa pulong balitaan ng MMDA kahapon, ika-4 ng Abril, nilinaw ng DPWH na by-segment ang kanilang gagawing pagsasara sa nasabing tulay para hindi makadagdag pasanin sa mga motorista.
Maliban sa Kamuning flyover, may mga road repair ding inaprubahan ang MMDA partikular na sa Roxas Boulevard sa hangganan ng mga lungsod ng Maynila at Pasay na tatagal ng tatlong linggo.
Bukod pa ito sa 14 na road reblocking na isasagawa sa iba’t ibang lansangan mula mamayang gabi hanggang alas-5 ng umaga ng Abril 10 kung saan sasamantalahin na ang mga araw na walang pasok dulot ng holiday.
Pagtitiyak naman ng MMDA, may nakalatag silang traffic re-routing plan para makatulong sa mga maaapektuhang motorista. | ulat ni Jaymark Dagala
📷: MMDA