Gumawa na ng hakbang ang Pasig City Schools Division para tugunan ang epektong dulot ng maalinsangang panahon sa mga mag-aaral at guro dahil sa tag-init.
Ito’y sa pamamagitan ng inilabas na memorandum ni Pasig Schools Division Superintendent Sheryl Gayoda hinggil sa pinaikling oras ng klase sa mga Pampublikong Paaralan sa Lungsod epektibo ngayong araw, April 4.
Sa ilalim ng “shortened class program,” nakadepende na sa oras na itatakda ng school heads ang klase sa mga pampublikong paaralan mula Elementarya hanggang Sekondarya.
Dahil mananatiling prayoridad ang kalusugan ng mga mag-aaral, isinasaad sa memo na maaari nang lumipat sa Alternative Delivery Modes ang mga paaralan sakaling pumalo sa 41 degrees Celcius ang forecast heat index.
Makabubuti ring umiwas sa outdoor activities ang mga estudyante mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon bilang pag-iingat na rin dahil sa matinding init na mararanasan sa naturang oras.
Para naman sa mga pribadong paaralan, ipinauubaya na ng Schools Division Office sa mga school administrators nito ang pagpapasya hinggil sa iskedyul ng ipatutupad nilang klase. | ulat ni Jaymark Dagala