Maagang dumagsa ang mga pasahero na nag-aabang ng masasakyan sa EDSA Bus Carousel station sa bahagi ng Ortigas sa Mandaluyong City.
Ito’y dahil sa maraming bilang ng manggagawa ang balik-trabaho na matapos ang bakasyon sa mga probinsya nitong nakalipas na Semana Santa.
Madaling araw pa lamang, mahaba na ang pila ng mga pasahero na sunod-sunod ang pagdating kaya’t mabilis na napupuno ang mga bus na humihimpil dito.
Ayon sa ilang mga pasaherong nakapanayam ng Radyo Pilipinas, nagmamadali silang makaluwas ngayong araw para maka-iwas sa matinding trapiko at dagsa ng mga pasahero pagsapit ng rush hour.
May ilan na didiretso na sa kanilang mga trabaho buhat sa mga lalawigan kung saan sila nagbakasyon kaya’t bitbit pa nila ang mga binili nilang pasalubong.
Gayunman, bantay sarado pa rin ng mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang naturang mga istasyon para umalalay sa mga pasahero.
Samantala, sa taas lang ng carousel station kung saan matatagpuan ang MRT, marami na rin ang mga pasahero
Balik-operasyon na kasi ang tren matapos itong sumailalim sa maintenance activities nitong Semana Santa. | ulat ni Jaymark Dagala