Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na ituturing nang colorum at huhulihin na simula sa May 1 ang mga public utility vehicle (PUV) operator at driver na hindi magco-consolidate o magsama-sama sa isang kooperatiba o korporasyon hanggang sa April 30.
Ito ang inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ayon sa kalihim, hindi na ma-rerenew ang kanilang prangkisa at ituturing na silang colorum. Kasama sila sa mga huhulihin simula May 1 kung patuloy silang mag-o-operate.
Makikipag-ugnayan ang DOTr, LTO at LTFRB sa Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa operasyon kontra colorum.
Matatandaang matatapos sa April 30 ang deadline para sa consolidation ng PUV Modernization Program.
Nauna rito sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi palalawigin at pinal na ang nasabing deadline.| ulat ni Diane Lear