Naniniwala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sapat na ang isang buwan na palugit sa panghuhuli sa mga e-bike at e-trike user na dumadaan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairperson Atty. Don Artes, ang grace period na isang buwan ay oportunidad para magpakalat ng impormasyon ang ahensya, at ituro sa mga motorista ang batas-trapiko.
Paglilinaw naman niya, dumaan sa masusing konsultasyon bago nila ipinatupad ang panghuhuli sa mga e-bike, e-trike at iba pang light electric vehicles sa national roads.
Sa katunayan ay nagpaabot din sila ng pormal na komunikasyon sa Malacañang hinggil dito.
Samantala, sinabi ni Artes na wala silang balak na ibaba ang P2,500 na multa para sa mga mahuhuling lalabag pagdating sa May 18. Aniya, nagsabi lang naman si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mahal ang P2,500 pero wala namang utos na ibaba ang halaga ng multa. | ulat ni Diane Lear