Papatawan ng multa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawang kontraktor na hindi sumunod sa kasunduan na tapusin ang mga road digging o mga paghuhukay sa mga pangunahing kalsada noong Holy Week.
Kasunod ito ng matinding trapiko na idinulot kaninang umaga sa kahabaan ng EDSA, dahil sa mga hindi natapos na fiber optic cable laying ng HGC Global Communications Inc. at Rlink Corp.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni MMDA Acting Chairperson Atty. Romando Artes na nasa 24 sa 40 mga hukay ang hindi natapos ng dalawang kontraktor.
Ayon kay Artes, dapat alas-5 ng umaga ngayong Lunes ay passable na ang mga kalsada ngunit hindi ito nagawa ng nasabing mga kontraktor.
Paliwanag aniya ng mga ito, na nagkamali umano ang logistics sa schedule ng delivery ng mga semento kaya naantala ang proyekto.
Dismayado ang opisyal dahil pinilit daw nitong gumawa ng mga road work na hindi nito kayang tapusin, na nagdulot ng matinding pagbibigat ng trapiko sa Metro Manila.
Iniwan kasi ng nasabing mga kumpanya na nakatiwang-wang ang mga proyekto at hindi man lang nagtalaga ng traffic marshals para magmando sa trapiko.
Kaugnay nito, inaalam pa ng MMDA ang kabuuang halaga ng multa pero ayon kay Artes nasa P50,000 kada hukay, kada araw ang maaaring ipataw sa mga kontraktor.
Giniit din ng MMDA sa publiko, na hindi nila ito proyekto at ng DPWH dahil natapos lahat ng DPWH ang kanilang mga road work nitong Linggo ng umaga. | ulat ni Diane Lear
Photos: MMDA