Tatalima ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na itigil muna ang panghuhuli, pagbibigay ng ticket at pag-impound sa mga e-bike, e-trike, tricycle gayundin sa mga pedicab.
Ito’y makaraang pigilan ng Pangulo kahapon ang ginagawang panghuhuli ng MMDA sa mga nabanggit na sasakyan para bigyan ng pagkakataon na maipaunawa ang ipinatutupad na patakaran.
Sa pulong balitaan sa MMDA ngayong araw, sinabi ni MMDA Acting Chairman, Atty. Don Artes na nauunawaan ng Pangulo ang sentimiyento ng mga kababayang nahuli sa mga operasyon.
Kaya naman gagamitin nila ang isang buwang palugit na ito para maipaalam at maipaliawanag sa publiko ang layunin ng MMDA resolusyon na nagtatakda ng regulasyon sa mga e-bike, e-trike, tricycle at pedicab.
Gayunman, nilinaw ni Artes na sa kabila ng moratorium sa panghuhuli ay magtutuloy-tuloy pa rin sa paninita sa mga e-bike, e-trike at mga kahalintulad ang kanilang mga tauhan para paalalahanan ang mga ito sa peligrong dulot ng pagbaybay nila sa major roads.
Pero, simula sa Mayo a-18 ay muling manghuhuli ang MMDA ng mga light electric vehicles gaya ng e-bike, e-trike, tricycle at pedicab
Kasunod nito, nilinaw din ni Artes na kanilang pinag-aaralan kung paano kakanselahin ang mga ticket na nauna na nilang ipinalabas habang makikipag-ugnayan sila sa mga LGU hinggil naman sa pagbabalik ng mga naimpound na sasakyan. | ulat ni Jaymark Dagala