Kinatigan ng Civil Service Commission (CSC) ang bagong resolusyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) na gamitin ang Flexible Working Schedule para sa mga public servant sa local government units bilang pansamantalang solusyon sa pagsisikip ng trapiko.
Sinabi ni CSC Chairperson Karlo Nograles na ang pagpapatupad ng modified working schedule mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ay naaayon sa Policy on Flexible Work Arrangements (FWAs) na inisyu ng CSC.
Batay sa datos ng CSC, ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamalaking bilang ng government workers sa bansa, na may 440,009 o 22.30%.
Paalala lang ng CSC, dahil sa napiling Flexible Work Arrangement, hindi dapat makompromiso ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo publiko, lalo na sa mga opisinang may frontline services.
Una nang napagkasunduan ng MMDA at MMC na ipatupad simula sa Mayo 2 ang 7:00 AM hanggang 4:00 PM na work schedule para sa LGUs, mula sa tradisyunal na 8:00 AM hanggang 5:00 PM.
Ang adjusted work schedule ay isa sa mga inisyatiba ng Metro Manila Council para makatulong na mapagaan ang trapik sa Metro Manila.| ulat ni Rey Ferrer