Mas mabigat na parusa ang kakaharapin ng rider ng motorcycle ride-hailing app matapos nitong tangkain na tumakas at halos sagasaan ang mga traffic enforcer na humuli sa kanya dahil sa paglabag sa EDSA Bus Lane policy.
Nakuhaan sa CCTV ang pakikipaghabulan sa mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Strike Force ng isang rider na may sakay na pasahero sa bahagi ng EDSA-Cubao Northbound kaninang alas-8:30 ng umaga.
Pero inabutan din ang naturang rider at natiketan dahil sa paglabag sa EDSA Bus Lane policy at reckless driving.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, mas mabigat na parusa ang kakaharapin ng rider dahil muntikan na nitong sagasaan ang mga traffic enforcer.
Dagdag pa ni Artes, magsusumite rin ng reklamo ang MMDA sa ride-hailing app na kaniyang pinapasukan at maghahain ng reklamo sa Land Transportation Office kasabay ng paghiling na kanselahin ang kaniyang lisensya.
Patong-patong din na criminal charges ang planong isampa ng ahensiya laban sa rider. | ulat ni Diane Lear