Simula ngayong Lunes, April 1 ay balik na muli sa normal nitong operasyon ang buong linya ng MRT-3 para serbisyuhan ang mga pasaherong back to school at back to work na ngayong araw.
Sa inilabas na abiso ng tren, ang unang biyahe ay balik sa 4:30 AM mula sa North Avenue Station, at 5:05 AM naman mula sa Taft Avenue Station.
Samantala, aalis ang huling tren mula sa North Avenue Station ng 9:30 PM at 10:09 PM naman mula sa Taft Avenue Station.
Matatandaang ilang araw ding nasuspinde ang operasyon ng MRT-3 mula March 27-31 para isalang ito sa taunang maintenance works.
Kabilang sa kinumpuni ang power supply and OCS, tracks, signaling and communications, rolling stock, at mga pasilidad ng linya.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) MRT-3 OIC Assistant Secretary Jorjette Aquino, mahalagang nasusunod ang mga scheduled maintenance works sa tren para na rin maiwasan ang pagkakaroon ng aberya sa operasyon nito.
Kasunod nito, nagpasalamat ang opisyal sa lahat ng mga personnel ng tren na nag-extend ng duty ngayong Holy Week.
Ayon kay Asec. Aquino, hindi matatawaran ang dedikasyon ng mga personnel na isinakripisyo ang kanilang bakasyon para masiguro ang kaligtasan at integridad ng main rail system sa bansa.
“The comfort and safety experienced by our rail passengers stand as a testament to the immeasurable nature of the labour you provide and the work that you do,” pahayag ni Aquino. | ulat ni Merry Ann Bastasa