May alok na libreng sakay ang MRT-3 sa mga beterano bilang pakikiisa sa Philippine Veterans’ Week at Araw ng Kagitingan.
Ayon sa pamunuan ng tren, maaaring ma-avail ang free ride sa buong oras ng operasyon ng MRT-3 simula sa April 5 hanggang sa susunod na Huwebes, April 11.
Kailangan lamang magpakita ng mga beterano ng valid Identification Card mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa security personnel ng mga istasyon.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino, ito ay pagkilala ng MRT-3 sa mahalagang kontribusyon sa ating lipunan ng lahat ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Bukod sa mga beterano, libre ring makakasakay ang kanilang kasama sa nabanggit na mga araw. | ulat ni Merry Ann Bastasa