Bilang pagpupugay sa mga manggagawa, may alok na libreng sakay ang Metro Rail Transit-Line 3 (MRT-3) para sa lahat ng mga manggagawa sa May 1, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.
Tugon ito ng pamunuan ng MRT-3 sa kahilingan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagkilala sa malaking kontribusyon ng mga manggagawang Pilipino sa pagsusulong ng maunlad at Bagong Pilipinas.
“Hiling po namin na makapaghatid ito ng kahit kaunting ngiti at kaginhawaan sa ating mga manggagawang pasaherong araw-araw na kumakayod para sa pamilya. Ang kanilang mga sakripisyo ang aming inspirasyon upang patuloy na pagbutihin ang aming serbisyo. Ipinagmamalaki, pinasasalamatan, at sinasaluduhan po namin ang lahat ng mga manggagawang Pilipino,” saad ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino.
Ipatutupad ang libreng sakay sa peak hours ng operasyon ng linya sa nasabing araw, mula 7:00 am hanggang 9:00 am, at mula 5:00 pm hanggang 7:00 pm.
Kinakailangan lamang magpakita ng company ID o government issued ID sa MRT-3 personnel sa mga istasyon para makakuha ng free ride. | ulat ni Merry Ann Bastasa