Nakatutok na ang Department of Agriculture (DA) sa napaulat na kaso ng rabies sa ilang baka at baboy sa bansa.
Ito ang tiniyak ni DA Assistant Secretary Constante Palabrica matapos na makumpirmang may anim na baboy at tatlong baka na kinagat ng aso ang nagpositibo sa rabies sa Marinduque.
Paliwanag nito, hindi nakakaalarma ang kasong ito dahil mahigpit na itong mino-monitor ng provincial veterinarians.
Ito rin ay isolated case lamang sa ngayon dahil wala namang kahalintulad na kaso nito ang naitala sa ibang probinsya.
Kasunod nito, pinaalalahanan naman ni Asec. Palabrica ang publiko na huwag kainin ang mga baboy at bakang nakagat ng aso. Sa halip ay ibaon ito sa lupa para hindi makahawa.
Muli rin nitong binigyang-diin ang kahalagahan na mapabakunahan kontra rabies ang mga alagang aso at pusa na karaniwang aniyang pinagmumulan nito. | ulat ni Merry Ann Bastasa