Nasa 200,000 na mga customer ng Manila Electric Company (Meralco) ang nakaranas ng “automatic load dropping” o kawalan ng kuryente sa pagitan ng alas-3:30 at alas-3:50 kaninang hapon.
Kabilang na ang bahagi ng Metro Manila, Pampanga, Bulacan, Laguna at Quezon.
Ito’y matapos isailalim ang Luzon Grid sa Red Alert Status simula ng alas-3 hanggang alas-4 ng hapon.
Ayon sa Meralco, nakikipag-uganayan na rin sila sa ilang malaking kumpanya na kasali sa interruptible load program para sa deloading commitments.
Ito ay upang maibsan ang problema sa supply ng kuryente ngayong panahon ng tag-init.
Dagdag pa ng Meralco, kung kinakailangan sila ay magpapatupad ng manual load dropping o rotating power interruptions para ma-manage ang supply ng kuryente.
Nauna nang inanunsyo ng National Grid Corporation of the Philippine (NGCP) na muling isasailalim ang Luzon Grid sa Red Alert status ng alas-6 hanggang alas-10 ngayong gabi.| ulat ni Diane Lear