Plano ng pamahalaan na humiram ng ₱2.57 trilyon ngayong taon mula sa domestic market.
Ayon sa Department of Finance (DOF), mas mataas ito sa 5% sa orihinal na ₱2.46 trilyon na nakaprograma ngayong taon.
Paliwanag ni National Treasurer Sharon Almanza ang revised borrowing plan ay resulta ng pagsasaayos ng budget deficit ceiling sa ginawang pulong kamakailan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Ayon naman kay Finance Secretary Ralph Recto, ang plano sa paghiram ay binago upang ipakita ang mga pagbabago sa revised program dahil anya batay sa bagong forecast ng DBCC, ang mas mababang gross domestic product (GDP) ay magreresulta sa mas mababang kita.
Sa pagpupulong nito noong unang bahagi ng buwan, ibinaba ng DBCC ang target na paglago ng GDP nito sa 6-7% ngayong taon mula 6.5-7.5%.
Itinaas din ng DBCC ang deficit ceiling sa ₱1.48 trilyon ngayong taon mula sa ₱1.39 trilyon. Ang mga kita ay inaasahang aabot sa ₱4.27 trilyon, habang ang mga disbursement ay makikitang aabot sa ₱5.75 trilyon.
Diin ni Recto, kapag bumuti ang revenue performance ng bansa ng higit sa inaasahan, hindi na kailangan pang magdagdag ng utang. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes