Nag-abiso na ang mga lokal na pamahalaan ng Navotas, Caloocan, at Malabon na ia-adopt na sa kani-kanilang LGU ang bagong work schedule simula sa Huwebes, May 2, 2024.
Sa Navotas, nilagdaan na ni Mayor John Rey Tiangco ang Executive Order (EO) No. JRT-016, para mailipat sa 7am-4pm ang pasok ng mga kawani ng City Hall alinsunod na rin sa resolusyon ng MMC.
Ayon kay Tiangco, bukod sa solusyon sa trapiko, umaasa itong makatutulong ang bagong work schedule para mas masulit ng mga empleyado ang kanilang oras kasama ang pamilya.
Exempted naman sa EO ang mga tanggapan na may shifting schedules, gaya ng traffic management, emergency preparedness and response, at peace and order.
Hinihikayat din ng alkalde ang mga barangay na mag-isyu na rin ng kaparehong executive order (EO) sa pagpapatupad ng modified working hours.
Bukod sa Navotas, magiging 7:00 AM hanggang 4:00 PM na rin ang oras ng pasok sa mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon.
Ipatutupad naman ang alternative skeleton workforce na 7:00 AM-4:00 PM at 8:00 AM-5:00 PM na pasok sa mga opisinang direktang naglilingkod sa publiko. Ito ay upang masiguro ang patuloy na pagbibigay ng serbisyo ng lokal na pamahalaan mula Lunes hanggang Biyernes, 7:00 AM-5:00 PM.
Samantala, mayorya din ng kawani sa Caloocan City LGU ay papasok simula 7:00 am hanggang 4:00 pm, maliban sa mga sumusunod na opisina na kinakailangan pa ring pumasok simula 8:00 am hanggang 5:00 pm:
- Business Permit and Licensing Office
- City Treasury Department
- City Assessment Department
- Public Information Office
Mananatili namang 24/7 ang paglilingkod ng mga sumusunod na opisina upang matugunan ang pangangailangan ng mga Batang Kankaloo:
- City Disaster Risk Reduction and Management Office
- Public Safety and Traffic Management Department
- City Environmental Management Department
- Caloocan City Medical Center
- Caloocan City North Medical Center
| ulat ni Merry Ann Bastasa