Umaasa ang National Food Authority (NFA) na maraming suplay ng palay ang mabili nito sa mga magsasaka ngayong pinaiiral na ang mas mataas na buying price.
Sa ilalim ng bagong buying price, aabot sa ₱23 hanggang ₱30/kilo para sa tuyong palay habang ₱19 hanggang ₱23/kilo naman para sa sariwang palay.
Ayon kay NFA Acting Admin Larry Lacson, sisikapin nilang mapalawak ang palay procurement hanggang sa matapos ang panahon ng anihan.
Sa ngayon, nationwide na aniya silang namimili sa mga magsasaka para madagdagan ang buffer stock ng bansa.
Una nang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na inaasahan nitong makatutulong ang mas mataas na buying price sa mga magsasaka para tumaas din ang kita ng mga magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa