Nagsimula na ang rotational brownout sa maraming lalawigan sa Luzon simula kaninang hapon.
Pasado alas-4:00 ng hapon nang ipatupad ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Emergency Manual Load Dropping upang maprotektahan ang integridad ng power system.
Apat na electric cooperative ang apektado ng limitadong suplay ng kuryente.
Kabilang dito ang Benguet Electric Cooperative Inc. (BENECO), Ilocos Sur Electric Cooperative (ISECO), Nueva Ecija Electric Cooperative II (NEECO II Area 1 at 2) at Aurora Electric Cooperative
(AURELCO).
Dahil dito, mararanasan ang rotational brownout sa ilang bahagi ng Baguio City, Benguet, Ilocos Sur, Nueva Ecija at Aurora Province.
Nauna nang isinailalim sa red at yellow alert ang Luzon Grid dahil sa forced outage ng 19 na power plants.
Base naman sa pinakahuling update sa status ng Visayas grid, isinailalim na rin ito sa red alert mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi.
Pagsapit ng alas-9:00 hanggang alas-11:00 ng gabi ay ibababa na sa yellow alert.
Posible ring ipatupad ang manual load dropping o rotational power interruptions sa mga lugar na maapektuhan. | ulat ni Rey Ferrer