Tiniyak ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai na “on track” ang ahensya sa kanilang target na pagpapatayo ng pabahay sa mga pinakamahihirap na pamilya at informal settler families (ISF).
Sa isang panayam sa Balanga, Bataan, sinabi ni GM Tai na kumpiyansa siya na makakamit nila ang kanilang target na 1.3 milyong pabahay sa poorest of the poor at informal settlers sa taong 2028.
Aniya, patuloy ang pagsisikap ng NHA sa paggagawad ng pabahay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang mga informal settler ay ang mga pamilyang naninirahan sa “danger zones,” waterways, estero at mga apektado ng government infrastructure projects.
Samantala, siniguro din ng opisyal na gagawin nilang abot-kaya at sustainable ang mga pabahay na ipinagkakaloob sa mga benepisyaryo.
Halimbawa na lamang ang 3-storey low rise housing project sa Balanga, Bataan na may contract lease na P800 kada buwan sa loob ng limang taon at matapos nito ay may option na ito na “rent to own”. | ulat ni Melany Valdoz Reyes