Pinuri ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. ang Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular ang 6th Infantry Division sa pamumuno ni Major General Alex Rillera, sa nutralisasyon ng top leader ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na si Mohiden Alimodin Animbang at 11 iba pa sa engkwentro sa Maguindanao del Sur noong Lunes.
Sa isang pahayag, sinabi ni Sec. Galvez na ang matagumpay na operasyon ng militar ay testamento ng kanilang propesyonalismo, tapang, at paninindigan sa pagbibigay ng proteksyon sa mamamayan para sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Kinilala din ni Galvez ang mahalagang papel na ginampanan ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at kanilang commanders sa matagumpay na operasyon.
Ayon sa kalihim, ang kooperasyon ng MILF ay patunay ng kanilang hangaring tulungan ang pamahalaan sa pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro.
Hinikayat naman ng kalihim ang mga nalalabing miyembro ng BIFF na iwanan na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa pamahalaan. | ulat ni Leo Sarne