Nilinaw ng Office of Civil Defense na walang kaugnayan si OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno sa isang video na kumalat tungkol sa pagdating sa bansa ng military equipment mula sa Estados Unidos at Pransya.
Sa video na pinost ng “Military Information” sa YouTube, iniulat ang umano’y pagdating sa Subic noong Marso 28 ng 400 container ng military equipment na gagamitin para sa Balikatan Exercise.
Dito’y ipinakita ang larawan ni Usec. Nepumuceno, na pinangalanan bilang “Commander ng Philippine Marine Corps”, na nagbigay umano ng pahayag ukol sa pagdating ng mga gamit pandigma.
Klinaro ng OCD na hindi commandant ng Philippine Marine Corps si Usec. Nepumuceno at walang inilabas na pahayag si Nepumuceno o ang OCD kaugnay ng naturang mga kagamitan dahil hindi ito saklaw ng trabaho ng kanilang tanggapan.
Dagdag ng OCD, ang mga larawan ni Nepumuceno na ginamit sa video ay kuha sa pulong balitaan ng OCD tungkol sa El Niño noong 2023.
Paalala ng OCD sa publiko na tangkilikin lang ang mga lehitimong source ng impormasyon, at iwasan ang pag-share ng hindi beripikadong balita. | ulat ni Leo Sarne