Nakikidalamhati ang OFW party-list sa pagkamatay ng isa nating kababayan sa Sharjah District sa United Arab Emirates dahil sa sunog sa isang residential building habang 10 OFWs pa ang nadamay sa sunog kasama ang dalawang bata.
Ikinalungkot din ni party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang pagkasugat ng dalawang OFW sa sunog sa kanilang tirahan sa Kowloon District sa Hong Kong.
Umaasa ang mambabatas sa mabilisang pag-aksyon ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang maihatid ang tulong sa mga apektado.
Nanawagan ito sa mga konsulado, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers Welfare Administration sa repatriation ng mga labi ng Pilipina na pumanaw sa Sharjah at sa pansamantalang matitirhan ng mga kababayang biktima ng dalawang sunog.
Tiniyak naman ng OFW party-list na bukas sila sa anumang tulong na kakailanganin ng mga naapektuhang OFWs at kanilang mga kapamilya.
Nanawagan din ito sa sambayanan na isama sa dasal ang mga OFW na nakikipagsalaparan sa ibayong dagat. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes