Siniguro ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang publiko na sa kabila ng mga electrical upgrade na ginagawa nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ay hindi nito maapektuhan ang araw-araw na operasyon nito.
Ayon sa MIAA, maingat nilang pinagplanuhan ang pagtitiyak na sa kabila ng mga isinasagawang maintenance ay tuloy-tuloy pa rin ang serbisyo at hindi makakapaekto sa pagproseso ng mga pasahero o operasyon ng mga flight lalo na sa peak hours.
Naka-sechedule ang nasabing upgrade mula Abril 2 hanggang Mayo 28 ngayong taon.
Nilinaw naman ni General Manager Eric Ines na ang mga replacement activities para sa electrical upgrade ay magaganap mula 12:01 ng hatinggabi hanggang 3:00 ng umaga upang maiwasan ang peak travel hours.
Pangunahing apektado sa nasabing pagsasagawa ng upgrade ang timog na bahagi ng terminal kung saan makakaranas ng pagbabawas ng ilaw at air conditioning sa ilang bahagi nito. Maaari rin itong magresulta sa pansamantalang hindi paggana ng mga elevator at escalator.
Handa naman umano ang mga genset sa Terminal 3 kung kakailanganin sa panahon ng pagsasagawa ng maintenance.| ulat ni EJ Lazaro