Naglaan ng P2.5 bilyon ang Government Service Insurance System (GSIS) para gamitin bilang emergency loan.
Layon nito na matulungan ang mga miyembro at pensioners na naapektuhan ng pertussis outbreak sa mga probinsya ng Cavite at ng El Niño phenomenon sa probinsya ng Occidental Mindoro.
Ayon sa GSIS, ang deadline ng filing para sa nasabing loan ay sa May 7 para sa Mindoro habang June 7 naman sa Cavite.
Para maging kwalipikado sa loan, ang isang aktibong miyembro ng GSIS ay kinakailangang nakatira o nagtatrabaho sa nabanggit na mga lugar.
Kailangan din ayon sa GSIS, ay hindi ito naka-leave of absence without pay, walang pending na legal cases, at bayad ng anim na buwang premium contributions bago ang kanilang aplikasyon.
Dagdag pa ng GSIS, kinakailangan mayroong ding net take-home pay ang nasabing miyembro ng hindi baba sa P5,000 na kinakailangan base sa General Appropriations Act.
Para naman sa old-age at disability pensioners na nakatira sa calamity areas ay maaari ding mag-apply para sa emergency loan, basta kailangan ang kanilang magiging monthly take home pension matapos maibawas ang payment sa loan ay nasa 25% ng kanilang kabuuang pensyon.
Dagdag pa ng GSIS na ang mga miyemrbo na may existing emergency loan balance may maaaring makautang hanggang sa P40,000 para mabayaran ang balanse ng kanilang naunang emergency loan at makakuha pa rin ng maximum net na P20,000.
Ang nasabing emergency loan ay may mababang interest rate na 6% at payment period na tatlong taon.
Ang mga kwalipikadong pensioners at members ay maaaring mag-apply gamin ang GSIS Touch mobile application. | ulat ni Lorenz Tanjoco