Matagumpay na nakumpiska ng pinagsamang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Batangas Provincial Office kasama ang Seaport Interdiction Unit at Philippine Coast Guard (PCG) ang aabot sa P3.4 million na halaga ng pinaghihinalaang shabu sa Port of Batangas.
Isinagawa ang nasabing interdiction operation noong Abril 10 bunsod ng ulat ng isang PDEA agent, na pinaniniwalaang may hawak na ilegal na droga ang isang pasahero ng MV BB Coron, na noo’y nakadaong sa Batangas Port at patungo sa Abra de Ilog Port sa Occidental Mindoro.
Sa isinagawang operasyon, agad na nagsagawa ang mga awtoridad ng imbestigasyon at K9 paneling at dito positibo na shabu nga ang laman na pulang paper bag na dala ng babaeng pasahero.
Napag-alaman namang residente ang 36-anyos na babaeng suspek ng Naujan, Oriental Mindoro na agad namang binasahan ng kanyang karapatan at agad dinala sa kustodiya ng PDEA-Batangas Provincial Office kasama ng na-recover na droga.
Kinahaharap ngayon ng suspek ang paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan ang mga sangkot sa isinagawang matagumpay na operasyon at ang tuloy-tuloy na pagtutulungan ng mga magkakaugnay na ahensya.| ulat ni EJ Lazaro