Umabot sa P412 million na halaga ng financial assistance at government service ang naipamahagi sa may 80,000 na benepisyaryo ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa La Trinidad Benguet.
Dala ng 70 ahensya ng pamahalaan ang nasa 326 na serbisyo ng pamahalaan kung saan P261 million dito ay tulong pinansyal.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez na nanguna sa BPSF launch, pagtalima ito sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na aktibong abutin ng gobyerno ang mga taong kanyang pinaglilingkuran
Ang Benguet ang ikalabinlimang lalawigang binisita ng BPSF at una sa Cordillera Autonomous Region (CAR) Region
“Sa Serbisyo Fair na ito, kusa pong lumapit sa inyo ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang maghatid ng tulong na inyong kailangan tungo sa ating sama-samang pag-unlad. Ang mensahe po na pinaabot namin sa inyo ngayong araw: kahit bundok po aakyatin, para masigurado na wala pong maiiwan sa pagtataguyod natin ng Bagong Pilipinas,” sabi ni Romualdez.
Bahagi ng BPSF ang province-wide payout ng AICS program ng DSWD sa may 50,000 residente, scholarship programs sa ilalim ng CHED at TESDA, RFID Installation katuwang ang NLEX Corporation at mobile health service sa tulong ng Benguet Laboratories.
Umabot din sa 160,000 na kilo ng bigas ang naipamahagi sa piling benepisyaryo ng BPSF.| ulat ni Kathleen Forbes