Pasado na sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng Region VII (RTWPB-Central Visayas Region) ang umento sa buwanang minimum na sahod ng mga domestic worker o kasambahay sa rehiyon, ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa DOLE, tataas ng P500 ang sahod ng mga kasambahay sa Region 7. Ibig-sabihin magiging P6,000 na ang sahod ng mga ito sa mga chartered cities at first-class municipalities sa rehiyon habang P5,000 naman sa ibang munisipyo.
Bago ang inilabas na wage order, nasa P4,500 at P5,500 ang sahod ng mga kasambahay sa mga bayan sa Central Visayas.
Inaasahan naman na papakinabangan ang taas-sahod ng 107,931 domestic workers kung saan 14 porsyento dito o higit 15,000 ay nasa live-in arrangements.
Magiging epektibo naman ang nasabing taas-sahod pagsapit ng ika-11 ng Mayo 2024.
Maaalalang June 14, 2022 pa ang huling wage order na nagtaaas ng sahod ng mga kasambahay sa rehiyon.| ulat ni EJ Lazaro