Iginiit ni Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada na hindi dapat ituring na ‘racial profiling’ o diskriminasyon ang concern tungkol sa pagdami ng mga Chinese students sa Cagayan at ang sinasabing pagbili ng mga ito ng diploma sa isang unibersidad sa naturang probinsya.
Ayon kay Estrada, lehitimo ang concern na ito lalo na’t posibleng may kinalaman ito sa usapin ng national security ng Pilipinas.
Kabilang sa mga tanong ng senador ay kung bakit sa iisang lugar o sa Cagayan partikular nagdadagsaan ang mga Chinese students gayong marami naman aniyang mga unibersidad at kolehiyo sa Pilipinas.
Pinunto ng senador na ang Cagayan ay kinaroroonan ng dalawang EDCA sites.
Paglilinaw ng mambabatas, gaya ng ibang mga dayuhan ay hindi dapat natin hadlangan ang pagnanais nilang mag-aral dito sa ating bansa, gayunpaman, dapat aniyang tiyakin na hindi sila magiging banta sa ating seguridad.
Ipinahayag rin ni Estrada ang pagkabahala niya sa naglalabasang isyu tungkol sa degree for sale, retiree visas, at pagbibigay ng mga Philippine government IDs sa mga Chinese nationals.
Dapat aniya itong pagtuunan ng pansin at maimbestigahan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at ng Senado kung kinakailangan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion