Nagsagawa ng pagbabakuna kontra tigdas ang Philippine Red Cross (PRC) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kasunod ito ng pagdeklara ng measles outbreak sa rehiyon.
Ayon sa PRC, nasa 128 na mga bata ang nabakunahan na Sulu, Jolo, at Patikul sa tulong ng binuong Measles Mitigation Corps.
Sila ang inatasan na tukuyin ang mga bata na wala pang bakuna laban sa tigdas, magpaliwanag kaugnay sa benepisyo ng bakuna, at itala ang bilang ng mga batang nabigyan na ng bakuna.
Paliwanag ng PRC, mahalaga na mabakunahan kontra sa tigdas ang lahat ng mga bata sa BARMM na may edad anim na buwan hanggang sampung taong gulang upang hindi na kumalat pa ang sakit.
Dagdag pa ng PRC na magkakaroon din ng pagbabakuna sa Lanao Del Sur, Cotabato, Maguindanao, Basilan at Tawi Tawi sa mga susunod na araw.
Inaasahan aabutin ng anim na linggo ang gagawing pagbabakuna ng PRC sa BARMM.| ulat ni Diane Lear